By

Higit 80 na residente sa Marawi, namatay sa evacuation centers

Sharing is caring!

Umaabot na sa 86 ang mga namatay sa mga evacuation center sa Marawi City magmula noong Mayo 23, 2017, ang araw kung kailan sinimulan ng Maute-ISIS group ang pag-atake sa lungsod at naging dahilan kaya isinailalim ang Mindanao sa martial law.

Sa isang statement, tinukoy ng Department of Health (DOH) na karamihan sa mga kaso o dahilan ng pagkamatay ng mga internally displaced persons (IDPs) na nasa mga evacuation center ay pneumonia, sepsis, cardiovascular diseases at acute gastroenteritis.

Base sa datos ng DOH-Health Emergency Management Bureau, nagpapatuloy pa rin ang operasyon sa Marawi ng may 76 evacuation centers kung saan nananatili ang 2,532 pamilya o 8,574 indibiduwal.

Umaabot naman sa kabuuang 18,801 pamilya o 106,598 indibiduwal mula sa 40 barangay sa Marawi ang nakauwi na sa kani-kanilang mga bahay.

Ang mga ospital sa Marawi kabilang na ang Amai Pakpak Medical Center at Dr. Abdullah Hospital ay 24/7 na ang operasyon para magkaloob ng serbisyong medical kung saan mula nang mapalaya ang Marawi sa mga teroristang grupo, nagpapatuloy ang check-up service ng DOH sa mga bakwit, kasama na ang pagbibigay ng libreng medical supplies. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?