mt.-carmel
By

Higit 5K deboto ng Mt. Carmel, dumagsa sa Quirino Grandstand

Sharing is caring!

Inihayag ng pamunuan ng Manila Police District (MPD) na umaabot sa mahigit 5,000 mga deboto ng Mahal na Birheng Maria ang dumagsa sa Luneta Grandstand kaugnay ng ika 400 taong anibersaryo ng Mt. Carmel De San Sebastian ngayong araw na ito.

Ayon kay MPD District Director Chief Supt. Joel Coronel, nasa mahigit 2,000 bilang ng pulis-Maynila ang kanilang ipinakalat sa bahagi pa lamang ng Quirino Grandstand sa traslacion ng imahe ng Our Lady of Mt. Carmel De San Sebastian na dadaan din ng simbahan ng Quiapo bago tumuloy sa San Sebastian Basilica sa bahagi pa rin ng Quiapo.

Sa pagtaya ng MPD, nasa kalahating milyong deboto ang dumalo sa ika-400 taong anibersaryo ng Birheng Maria.

Paliwanag ni Coronel, lalo pang sumikip ang daloy ng trapiko sa ngayon na nataon sa araw ng simba ng mga deboto ng Itim na Nazareno.

Dagdag pa ni Coronel, bago mag-alas-singko ng umaga kanina ay nagkaroon ng fluvial parade ng Our Lady of Mt. Carmel De San Sebastian kung saan isinakay ang imahe ng Birheng Maria sa isang barko sa Philippine Coast Guard headquarters at ipinarada kanina patungo ng Quirino Grandstand.

Alas-sais ng umaga kanina ay ginanap ang isang high mass habang alas-otso ng umaga ay sinimulan na ang prusisyon patungo ng simbahan ng Quiapo.

Kabilang sa daraanan ng prusisyon mula sa Quirino Grandstand ay kaliwa sa Katigbak Drive pagkatapos ay diretso ng Padre Burgos, diretso naman ng Finance Road at tatawid ng Taft Avenue, diretso ng Ayala Bridge, kaliwa ng Carlos Palanca Street, lulusot ng Quezon Bridge Underpass, kakanan ng Villalobos, hanggang makarating sa Quipao Church kung saan dudungaw ang imahe ng Itim na Nazareno.

Matapos nito ay muling dadaan ng Villalobos ang prusisyon, kaliwa ng Carlos Palanca, kaliwa ng Solano hanggang Legarda, at kaliwa ng San Rafael pabalik ng Basilica De San Sebastian.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?