26

Mar 12, 2020 @ 16:57
By

Higit 100 baboy papatayin dahil sa ASF

Nasa 112 alagang baboy ang isasailalim sa culling o pagpatay sa San Fernando City, La Union para mapigilan ang pagkalat ng African Swine Fever, (ASF) ayon sa City Veterinarian Office (PCVO).

Sabi ni PCVO veterinarian officer Dr. Florie Decena, lahat ng baboy mula sa ground zero ng Barangay Cadaclan hanggang sa layong isang kilometro ay kakatayin.

Ito aniya ang nakikita nilang paraan para mapigilan ang pagkalat ng ASF na nagiging dahilan sa pagkamatay ng mga baboy.

Tiniyak din ng PCVO ang pagbibigay ng tulong-pinansiyal na tig-P1,500 mula sa city at provincial government ng La Union, maliban pa sa P5,000 na manggagaling naman sa Department of Agriculture para sa bawat baboy na papatayin.

Samantala, kinumpirma ni Bauang, La Union Municipal Agriculturist Rebecca Sabado na nananatiling ASF-free ang Bauang.

Ayon kay Sabado, nagnegatibo sa virus ang blood sample ng mga baboy na isinumite sa Regional Animal Disease Diagnostic Laboratory sa Sta. Barbara, Pangasinan base sa nilabas na clinical laboratory report.

Ang mga pinasuring blood sample ay mula aniya sa mga alagang baboy sa Barangay Lower San Agustin, Bauang, La Union na sinasabing pinanggalingan ng mga baboy na nadiskubreng positibo ng ASF sa Barangay Cadaclan, San Fernando City.

Ibig sabihin nito, nanggaling din aniya mismo sa siyudad ang sakit ng mga baboy na ibinaon kamakailan sa Barangay Cadaclan sa nasabing siyudad.

Dahil dito, siniguro ni Bauang, La Union Mayor Menchie de Guzman na babalik na sa lalong madaling panahon ang pagtitinda ng karne ng baboy sa merkado na pinahinto noong Linggo dahil sa naturang impormasyon. ALLAN BERGONIA

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?