27

May 21, 2020 @ 9:54
By

Higit 1.2K sekyu sa mga NY jail nahawa sa COVID

Maging mga bilangguan sa New York City, hindi nakaligtas sa pananalasa ng COVID-19.

Sa 9,680 correction officer at supervisor sa lungsod na siyang sentro ng pandemya sa US, may 1,259 kawani nang tinamaan ng virus.

Anim na guwardiya naman ang pumanaw mula sa COVID-19, kasama ang limang jail employee at dalawang correctional health worker.

Samantala, 545 preso ang nagpositibo sa virus, kabilang ang tatlong pumanaw sa kustodiya at dalawang yumao ilang oras matapos ma-release.

Sa tala ng New York Times, pinakatinamaan ng coronavirus ang mga correction officer sa NY, kumpara sa ibang malalaking American city kabilang ang Chicago, Houston, Miami, at Los Angeles.

Ang maysala umano sa mataas na bilang ng mga COVID case, ayon mismo sa mga sekyu at sa mga opisyal ng unyon, ay ang pamunuan sa bilangguan: pinababalik agad ang mga kawani sa trabaho matapos gumaling at kahit ‘di pa nagnenegatibo sa virus; delay sa pagbibigay ng protective equipment; kabiguan na abisuhan ang mga sekyu tungkol sa katrabaho nilang COVID-19 positive; at mas mahabang work shift dahil sa mga nagkasakit na katrabaho.

Wika ng tagapagsalita ni NY Mayor Bill de Blasio na si Avery Cohen, “No. 1 priority” umano nila ang kalusugan ng mga correction officer. Naglaan na rin umano sila ng “sapat na mask at protective equipment, access sa testing at health screening bago ang mga work shift” para sa mga ito.

Bagaman kinilala ng mga sekyu at mga opisyal ng unyon ang mga hakbang ng pamunuan laban sa COVID-19, sinabi nilang huli na nang ipatupad ang mga ito para sa ilang kawani, at ginawa lang ang mga hakbang matapos nilang idemanda ang lungsod.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?