128

Oct 3, 2017 @ 17:26

High school student itinumba sa QC

Isa na namang teenager ang pinagbabaril at napatay ng hindi pa nakikilalang gunman habang naglalakad naglalakad papauwi sa kanilang bahay matapos na magpagupit ng buhok nitong Martes ng hapon (October 2, 2017) sa Barangay Commonwealth Quezon City.

Dead-on-the-spot ang biktimang si Aldrin Raman Jore, 16-anyos, Grade VIII sa Commonwealth High School at naninirahan sa No.

014 Salvacion St., Brgy. Commonwealth ng nasabing lungsod, sanhi ng mga tinamong tama ng bala ng cal. 45 sa ulo at katawan.

Sugatan naman si Winifreda Binasa Mendoza, 43-anyos, nakatira sa 522 Tabigo St., sa nasabi ring Barangay, nang tamaan ng ligaw na bala sa kaliwang binti. Siya ay kasalukuyang ginagamot sa East Avenue Medical Center (EAMC).

Sa inisyal na report sa Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) ang pamamaril ay naganap dakong alas-5:30 ng hapon sa kanto ng Martan St., at San Jose Drive ng nabanggit na Barangay.

Kalalabas lamang umano ng estudyante sa Barber Shop sa nasabing lugar at habang naglalakad ay bigla na lamang sumulpot ang isang lalaki sa kanyang daraanan at agad siyang pinaputukan ng baril sa ulo at katawan. Nang masigurong patay na ang biktima ay mabilis na naglakad at tumakas ang hindi pa nakikilalang gunman.

Nabatid sa mga opisyal ng Barangay na walang anumang rekord na gumagamit ng iligal na droga ang teenager kaya imposibleng ito ang motibo sa pamamaril.

Nakasamsam naman ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng QCPD ng dalawang basyo ng bala ng kalibre 45 sa lugar na pinangyarihan ng krimen. Blangko pa ang pamilya at pulisya sa posibleng motibo sa pamamaslang sa estudyante. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?