81

Oct 6, 2017 @ 18:31

Higanteng utang ng Maynila, tapyas na

Ipinagmalaki kahapon ni Manila Mayor Joseph Estrada na unti-unti nang nakakabangon ang siyudad mula sa malaking pagkakautang na iniwan ng mga nagdaang administrasyon.

Katunayan, mula 2015 hanggang 2017 ay nakapaghatid na ang pamahalaang lokal sa mga Manilenyo ng mga proyektong pinaglaanan nila ng P1.8 bilyon.

Bahagi aniya ito ng hangarin ng kanyang administrasyon na maibalik ang dating ganda at sigla ng Maynila at lalong maisulong ang ekonomiya nito.

Ayon sa Office of the City Engineer, mula 2015 hanggang 2017 ay umabot sa 150 proyekto na nagkakahalaga ng kabuuang P1,808,441,917.74 ang naipagawa na.

Ayon kay Estrada, lubog sa utang ang pamahalaang lungsod nang umupo siya noong 2013 kung kaya’t hirap silang pondohan ang mga proyekto.

Aniya, may “blueprint” siyang sinusunod sa ilalim ng kanyang 2016-2019 Erap-Governance (Erap-G) Plan  na  Medium-Term Manila Comprehensive Development Plan (MTMCDP).

Noong 2015, 33 ospital at health center ang naipagawa o napaayos ng city hall, pagpapatayo ng pitong public libraries at mga palengke, 23 basketball courts at mga  sports complex,  mga multi-purpose halls, at 32 pang proyekto sa city-hall sa kabuuang 95 proyekto.

Noong 2016, 37 proyekto ang naipagawa: 4 na ospital at health center, pitong public libraries at mga palengke, anim na basketball courts, sports complex, at  multi-purpose halls, at 20 city-hall based na mga proyekto.

At ngayong taon, 18 pang mga kaparehong proyekto ang naipagawa. (Ma. Isabel Billones)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?