38

Sep 7, 2021 @ 16:30
By

Hidilyn, iba pang Tokyo Olympic medalist pinarangalan ng Kamara

Pinarangalan ng Kamara de Representantes sa sesyon ngayong Martes ang mga nagwagi sa Tokyo Olympics.

Iginawad ng Kamara ang Congressional Medal of Excellence sa weightlifter na si Hidilyn Diaz, ang unang Pilipino na nanalo ng ginto sa Olympics.

Si Diaz ang kauna-unahang ginawaran ng Congressional Medal of Excellence.

Ang mga boxing silver medalists na sina Nesthy Petecio and Carlo Paalam at boxing bronze medalist Eumir Marcial ay ginawaran naman ng Congressional Medal of Distinction.

Ang apat ay pumunta sa Kamara de Representantes upang personal na tanggapin ang mga medalya mula kay Speaker Lord Allan Jay Velasco at kopya ng resolusyon na kumikilala sa kanilang nakamit na binasa naman ni House Majority Leader at Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez.

“You gave us hope. You gave us something to dream about. And in those shining moments of triumph, you have all made our kababayans young and old, residing here or abroad, extremely proud to be called Filipinos,” sabi ni Velasco.

Ayon kay Romualdez hindi matatawaran ang mga nakamit ng mga atleta na nagsilbing inspirasyon sa maraming Pilipino upang magpunyagi at lagpasan ang mga problema na kanilang kinakaharap upang makamit ang kanilang mga pangarap.

“These sports heroes deserve to be recognized and commended for bringing pride, honor and inspiration especially to young Filipinos who want to excel in their fields,” sabi pa ni Romualdez.

Ibinigay na rin ng Kamara ang cash incentive na nalikom para sa mga atleta at kanilang coach.

Kasama ng mga atleta sa pagdalo sa sesyon ang mga opisyal ng Philippine Olympic Committee (POC), Philippine Sports Commission (PSC), mga coach at nutritionist na may mahalagang papel sa tagumpay ng mga atleta.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?