110

Aug 19, 2019 @ 10:50
By

Hernandez NCAA player of the week

Malamya ang simula ng Mapua University (MU) Cardinals sa 95th NCAA basketball tournament, sadsad sa unang limang laro.

Subalit ‘di nasiraan ng loob ang MU, sumagasa ng tatlong sunod na panalo upang manumbalik ang sigla ng kanilang mga panatiko.

Isa sa naging pangunahing instrumento sa panalo ng Intramuros-based squad si rookie Paolo Hernandez.

Unang nagpakita ng gilas si Hernandez sa panalo ng Mapua sa Arellano Chiefs at muling nagdeliber sa kanilang back-to-back victories kontra Aguinaldo Generals at Rizal Heavy Bombers.

“Siyempre, sabi nga ni coach, saan pa ba kami pupunta? 0-5 na kami e,” saad ni Hernandez. “Wala na kaming ibang pupuntahan kundi panalo.”

Sinandalan ni coach Randy Alcantara si 6-foot-3 forward Hernandez, nag-average sa huling dalawang panalo ng 15.5 points, 4.0 rebounds, 2.5 assists at 2.0 steals.

Dahil sa kanyang kabayanihan, nahirang siyang Chooks-to-Go Collegiate Press Corps NCAA Player of the Week.

“Masaya ako sa tiwala ni coach, pero ‘di ko muna iniisip yun. This season muna, tiyaga-tiyaga lang, step-by-step lang,” wakas ng rookie.

Inungusan ni Hernandez sa weekly citation ang teammate na si Laurenz Victoria, Donald Tankoua ng Beda Red Lions at Jaycee Marcelino at Mike Nzeusseu ng Lyceum Pirates.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?