115
arrested
Feb 22, 2019 @ 15:30
By

Hepe ng Cavite Maritime Police, dakma sa extortion

Dinakip ang isang mataas na opisyal ng maritime police ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) Counter-Intelligence Task Force (CITF) dahil sa umano’y pangingikil sa mga mangingisda sa Tanza, Cavite.

Naaresto si Supt. Armandy Dimabuyo, hepe ng 402nd Cavite Maritime Police Station, sa entrapment operation na isinagawa sa loob ng unit nito sa Barangay Julugan 5.

Tinanggal din ang lahat ng tauhan ng Cavite Maritime Section at papalitan sila ng Special Operations Unit ng Maritime Group habang inihahanda naman ang kasong robbery-extortion at administratibo laban kay Dimabuyo.

Isinagawa umano nila ang entrapment matapos magreklamo ang ilang may-ari ng motorized bancas hinggil sa panghihingi ng pera ng suspek sa asosasyon ng mga mangingisda sa lugar.

Ang pera umano ay bilang “protection money” para makapangisda ang mga fisherman sa katubigan ng Tanza kung saan ipinagbabawal ang malalaking bangka.

Nahuli si Dimabuyo sa aktong pagtanggap sa perang P18,000 ng isa sa mga nagreklamo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?