384

By

Hepe ng Cainta police, 11 pa inalis sa puwesto

Tinanggal sa kani-kanilang posisyon ang provincial director ng Rizal regional police at ang hepe ng Cainta police habang gumugulong ang imbestigasyon kaugnay sa pakikipagbarilan ng mga tauhan nito sa security aide ni election reform lawyer Glenn Chong.

Ayon sa ulat, sinibak sina Rizal police director Senior Supt. Lou Evangelista, Cainta police chief Supt. Pablito Naganag, at 10 iba pang pulis ng Regional Intelligence Division ng Rizal police.

Ipinag-utos umano ni Chief Supt. Edward Carranza, regional director ng Calabarzon police, ang pagtanggal sa mga ito noong Miyerkoles.

Nag-ugat ito matapos mapatay ang aide ni Chong na si Richard Santillan at isang babae matapos umanong maka-engkuwentro ang mga pulis sa Barangay San Andres, Cainta, Rizal noong Lunes.

Pinara umano ng mga pulis ang sasakyang Toyota Fortuner kung saan lulan ang mga biktima dahil sa kawalan ng validation sticker pero tinangka umanong tumakas ni Santillan kaya nagkaroon ng habulan at nagresulta sa shootout.

Hinihinala umanong miyembro si Santillan at grupo nito ng “Highway Boys”, isang sindikato na sangkot sa robbery-holdup, pagbebenta ng mga armas at iligal na droga.

Itinanggi ni Chong na may mga armas at granada ang kanyang aide sa loob ng sasakyan na pag-aari niya at planted lang umano ito. Sasampahan din umano nito ng kasong murder ang mga pulis na sangkot sa nasabing operasyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?