409

Jun 20, 2019 @ 14:37
By

Hepe na nambatok ng lady cop, may iba pang pulis na sinaktan

Bibigyan ng legal assistance ng Philippine National Police (PNP) ang babaeng pulis na sinaktan ng sinibak na hepe ng Eastern Police District (EPD).

Sa ambush interview matapos ang tactical and survival arms expo sa SM Megamall sa Mandaluyong City, sinabi ni PNP Chief Police General Oscar Albayalde na mayroong legal service ang PNP na pwedeng magbigay ng abogado kay Police Cpl. April Santiago para sa isasampang reklamo kay Police Brig. General Christopher Tambungan.

Sinabi ni Albayalde, na sakaling hindi magsampa ng criminal case si Santiago ay uusad pa rin naman ang administrative case laban kay Tambungan.

Paliwanag pa ni Albayalde, mali ang ginawang pananakit ni Tambungan dahil “gender sensitive” ang PNP.

Mayroon din aniyang tamang paraan para parusahan ang nagkamaling pulis at isa na rito ang pagsasampa ng kaso kung hindi nakasunod sa utos ng nakakataas.

Samantala, lumalabas naman sa imbestigasyon na hindi ito ang unang pagkakataon na nanakit si Tambungan dahil may dalawa nang pulis na nagreklamo rin kay Tambungan sa Ombudsman.

Nabatid na base sa reklamo ni Santiago na nakarating sa tanggapan ng NCRPO, alas-siyete ng gabi noong Mayo 12, kinompronta siya ni Tambungan sa harapan ng Police Community Precinct sa Greenhills, San Juan dahil hindi niya natulungan sa pinapagawa sa kanya.

Kasunod nito, sa hindi malamang kadahilanan ay binatukan ni Tambungan sa ulo si Santiago at hinampas ng pinto ng sasakyan, kasabay ng pagsigaw at pagbibitiw ng hindi magandang salita.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?