223

By

Heneral ng militar, ‘di bagay sa DSWD – Drilon

Umaawat si Senate Minority Leader Franklin Drilon sa plano ni Pangulong Rodrigo Duterte na magtalaga ng heneral ng militar bilang kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ayon sa senador, ang trabaho ng DSWD na pagbibigay ng tulong sa mga mahihirap ay gawaing pang-sibilyan.

“Siguro dapat pag-isipan muna ng Pangulo iyan. The DSWD is a social welfare agency,” ani Drilon.

Hindi rin umano dapat na tinatambakan ng military officials ang mga ahensya ng gobyerno upang maiwasan ang militarisasyon ng burukrasya.

Leksyon umano ito ng nangyari noong Marcos martial law.

Inianunsyo ng pangulo kamakailan na itatalaga niyang kalihim ng DSWD si Philippine Army Commanding General Rolando Bautista na magreretiro sa Oktubre 15.

“Inaamin natin ang sa gabinete kung sinoman ang ilalagay ng Pangulo yan po ay nasa kanyang kapangyarihan. Ngunit may mga prinsipyo po at may mga patakaran na dapat we must not militarize the bureaucracy,” dagdag ni Drilon.

Idiniin na marami pang pwesto sa gobyerno na pwedeng ipahawak kay Bautista.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?