406

Nov 24, 2017 @ 13:42

‘Heneral Luna’ sa P10 commemorative coin ng BSP

Inanunsiyo ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang paglalabas ng limited edition na 10-Piso commemorative coin sa sirkulasyon bilang pagkilala sa ika-150 anibersaryo ng kapanganakan ng bayaning si Heneral Antonio Luna.

Si Heneral Luna ay isang sundalo, scientist at journalist. Sumama siya sa isang propaganda movement sa Spain at nagsulat sa pahayagang La Solidaridad sa pen name na ‘Taga-Ilog’. Sa pagbabalik niya sa Pinas noong 1898, itinatag niya ang pahayagang La Independencia.

Sa kasagsagan ng PH-American war, itinalaga si Heneral Luna bilang hepe ng war operations at may ranggong Brigadier General. Isa siya sa matapang na heneral na naging commander ng Philippine Revolutionary Army.

Sa harap ng P10 na barya makikita ang mukha ni Luna, ang mga salitang “REPUBLIKA NG PILIPINAS” at “HENERAL ANTONIO LUNA”, ang denominasyon na 10 Piso, Mintmark, at ang pirma ng heneral.

Habang sa likod naman nito makikita ang mga salitang “DANGAL”, “TAPANG”, “DIGNIDAD”, “BAYANI NG DIGMAAN LABAN SA ESTADOS

UNIDOS, 1899”, isang larawan ni Heneral Luna habang sakay ng kabayo, ang ornamento sa uniporme nito bilang Brigadier General, “150 TAON”, imahe ng papel na may nakasulat na “LA INDEPENDENCIA” at “1866-2016”, “HENERAL ANTONIO LUNA”, ang seal ng BSP, at maliliit na letra ng “SAMPUNG PISO”.

Mag-iisyu ang BSP ng 10 milyong piraso ng 10-Piso na barya bilang pagkilala sa heneral.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?