228

Nov 3, 2017 @ 17:25

Helper nag-shopping gamit ang pera ng amo, arestado

Isang lalaking helper ang pina-pulis mismo ng kanyang amo matapos nitong nakawin ang perang nagkakahalaga ng P133,000 na gagamitin sana para sa negosyo sa Malabon City kahapon ng madaling- araw.

Sa ulat ng Malabon City Police, ganap umanong ala- una ng madaling-araw nang ipadampot ng biktimang si Rochie Abrenica, ng Barangay Taniong ng nasabing lungsod, ang kanyang helper na si Romnick Tamaranza, 23-anyos, na tubong Butuan City sa Mindanao.

Ninakaw umano ng suspek ang kanyang pera na P133,000 na nasa kanyang silid, madaling-araw ng Huwebes habang wala sila at nasa lalawigan ng Bulacan dahil sa paggunita sa Undas.

At sa nasabi ring araw ay inutusan niya umano ang kanyang pamangkin na kunin ang pera niya at ideposito sa bangko para sa kanyang supplier na agad namang sinunod ng inutusang pamangkin ngunit nang maideposito na ay laking gulat na lamang ng biktima kung bakit umano nasa P40,000 lang ang naideposito nito.

May mahigit P133,000 pa umano siyang pera sa silid na naiwan at dapat ding ideposito ngunit nang maghagilap na ang kanyang pamangkin ay wala nang ibang pera doon.

Dahil dito ay agad na ipinatanong ng biktima sa pamangkin kung nasaan ang suspek na napag-alamang madaling-araw pa lang pala ng araw ding iyon ay umalis at hindi pa bumabalik.

Dito na napauwi ng wala sa oras ang biktima at pagdating niya ng bahay ay naabutan na rin naman niya ang suspek na nakahilata sa tulugan nito kung saan agad niyang tinanong dito kung nasaan ang kanyang pera na itinanggi naman ng suspek na kinuha niya.

Hinalungkat ng biktima ang mga gamit ng suspek at nakita ang ilang mamahaling sapatos, bag, cellphone at airplane ticket pauwi sa Butuan kaya nagdesisyon si Abrenica na tumawag sa pulisya at ipinahuli si Tamaranza na sa huli ay umamin din umano sa kanyang nagawa.

Napag-alaman ding ng madaling-araw na iyon ay nagpa-inom pa umano sa kanyang mga barkada at nagpa-party si Tamaranza at pagsapit umano ng hapon ay doon na nag-shopping.

Ayon sa nagreklamo, tatlong taon na rin umanong helper niya ang suspek at malaki umano ang tiwala niya dito, mabait naman umano ang huli na marahil ay natukso lamang na nakawan siya dahil sa kagustuhang makauwi sa kanilang probinsiya para sa kaarawan ng kanyang ina. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?