105

Apr 17, 2019 @ 13:24
By

Heat stroke ibinabala ng DOH sa Semana Santa

Nagpalabas ng paalala ang Department of Health (DOH) sa publiko upang makaiwas sa heat stroke at pagkahapo dulot ng matinding init habang nakikilahok sa mga tradisyonal na gawain ngayong Semana Santa.

Ipinayo ni Health Secretary Francisco Duque sa magbi-Visita Iglesia at sasama sa mga prusisyon sa Biyernes Santo na magdala ng tubig, pagkain, payong, tuwalya at extrang damit para pampalit kapag pinawisan sila.

Makabubuti rin aniyang manatili na lang sa tahanan ang mga may hypertension o high blood at iba pang sakit lalo na pagsapit ng alas-diyes ng umaga hanggang alas-3 ng hapon na katirikan ng araw.

Hanggang maaari ay iwasan din aniya ang pagsama sa mga bata o mga sanggol partikular sa mga matataong lugar upang hindi sila mahawa ng mga sakit.

Pinaalalahanan din ng kalihim ang mga nagpapanata ng pagpapako sa krus na i-sterilize mabuti ang mga pako at iba pang matutulis na gamit sa pagpepenitensiya upang makaiwas sa tetano.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?