78

May 14, 2018 @ 13:30
By

Health worker, arestado sa vote-buying sa Laguna

Dinakip ng mga tauhan ng Calamba City Police Station ang isang health worker sa Barangay Milagrosa, Calamba City, Laguna kagabi matapos maaktuhang bumibili ng boto o vote-buying.

Kinilala ito ni CALABARZON Regional Director Police Chief Supt. Guillermo Eleazar na si Corazon Tapalla del Rosario, 63-anyos, isang barangay health worker at residente ng Purok 5, Brgy. Milagrosa.

Sa ulat, mismong inaresto ng mga nagrereklamong si Calamba City Councilor Saturnino Lajara at electrician na si Loreto Gareza si Del Rosario.

Ngunit bago maaresto, nakita ng mga nagrereklamo ang suspek na nag-aabot ng pera sa isang Antonio Latumbo, isang rehistradong botante sa Brgy. Milagrosa.

Nakuha kay Del Rosario ang dalawang piraso ng P500 bill na nakalagay sa maliit na brown envelope.

Samantala sa Lucena City, pito katao ang dinakip ng apat na nagrereklamo matapos na makatanggap ng tawag sa umano’y nagaganap na vote-buying sa Purok 4, Dulong Buhangin, Brgy. Dalahican.

Naaktuhan ng mga nagrereklamo ang pito katao na may bitbit na mga envelop na may kasamang sample ballots.

May tig-P200 din sa envelop na aabot sa kabuuang halaga na P1,800.

Kinilala ang mga dinakip na sina Pepito Carbonel, Virginia Sta. Ana, Dory Repollo, Romeo Bersabe, Arsienio Lagrason Jr., Fernando Irwin Casino at Wilma Anthony.

Sasampahan na ng kaso na may kinalaman sa eleksiyon ang mga naaresto.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?