96
jv-ejercito-ginhawa-ng-bayan
Jul 26, 2018 @ 17:31
By

‘Health day’ ang second day ng Senate session

“HEALTH day on second day.” Ganito natin ilalarawan ang araw ng Martes (July 24) sa Senado na ikalawang araw ng sesyon ng 3rd Regular Session ng 17th Congress.

Ito ay dahil umarangkada agad ang mga health measure na tayo ang sponsor.

Hindi na natin iisa-isahin pa pero sa kabuuan, 16 na health measures ang inaprubahan sa ikatlong pagbasa sa plenaryo ng Senado mula sa upgrading ng mga ospital at pagtatayo ng district hospitals, hanggang sa pagdadagdag ng kama para sa mga naka-confine na pasyente o increasing hospital bed capacity.

Dahil pasado na ang mga ito sa third reading, ilang tulog na lang, ‘ika nga, ang ating ipaghihintay at magiging batas na ang mga ito.

Malaking tulong ang mga ito sa ating mga kababayan. Tulad na lang ng pagdadagdag ng mga kama para sa mga pasyente.

Sa mga binisita nating mga ospital sa iba’t-ibang lugar, nakita natin mismo ang mga nakabaluktot na mga pasyente dahil dala-dalawa sila at pilit na pinagkakasya ang mga sarili sa kamang pang-isahan lang.

Mayroon ding mga ospital na maliliit na dahil sa dami ng pasyente ay nasa pasilyo na lang ang iba at pati ang basketball court ay ginagawa na ring ward.

Kaya kapag naging ganap na batas ang mga panukalang ito, magiging maginhawa ang ating mga pasyente habang sila ay nagpapagaling sa ospital.

Bilang chairman ng Senate Committee on Health and Demography, at adbokasiya ko naman talaga ang maayos na kalusugan ng ating mga kababayan, natutuwa tayo dahil nakikita natin na umuusad dito sa Senado ang mga health measure na ating itinutulak.

Malapit na rin naming maaprubahan ang panukala nating Universal Health Care (UHC) dahil nasa final stage na ito ng legislative process.

Kaya natin pinupursige itong UHC ay upang maging abot-kaya lalo na ng mga mahihirap nating kababayan ang pagpapagamot at pangangalaga sa kalusugan.

Nagsagawa tayo ng mga pagdinig sa iba’t-ibang probinsiya hinggil dito at narinig mismo natin sa bibig ng mga tao ang kanilang pagnanais na magkaroon ng batas na gagarantiya na magaan sa bulsa ang pagpapagamot at pangangalaga sa kalusugan.

Kaya walang tutol sa UHC at talagang ramdam natin ang suporta ng marami.

Kapag maayos na ang mga ospital, may sapat na mga doktor, at abot-kaya ang pagpapagamot at pangangalaga sa kalusugan, abot tanaw na ang hinahangad ng lahat na GINHAWA NG BAYAN.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?