15

By

HDO vs Trillanes, sasalang na sa pagdinig sa korte sa Davao

Sharing is caring!

Walang nakuhang hold departure order ang Davao City Prosecutor’s Office mula sa Davao City Regional Trial Court na may hawak ng kasong libelo laban kay Senador Antonio Trillanes IV.

Sinabi ni Davao City Chief Prosecutor Nestor Ledesma, muling itinakda ng hukom ang pagdinig sa mosyon ng Department of Justice sa Disyembre 11 para dinggin ang panig ng senador.

Nais ng prosekusyon na pigilan ng korte si Trillanes na makalabas ng bansa dahil sa kinakaharap na libelo na isinampa ni Presidential Son Paolo Duterte.

Ayon naman kay DOJ Sec. Menardo Guevarra, karapatan ng senador na marinig ng korte ang kanyang panig.

Samantala, wala pa ring inilalabas na precautionary hold departure order (PHDO) si Pasay City Executive Judge Divina Gracia Pelino laban sa planong pagbiyahe ng senador sa Europe sa Martes.

Ayon sa Pasay RTC Branch 231, may pinasusumite pa si Judge Pelino mula sa prosekusyon na requirement sa kanilang hinihiling na PHDO para sa iniimbestigahang reklamong inciting to sedition laban kay Trillanes.

Ang PHDO ay maaaring hilingin ng prosekusyon sa korte para pigilang makaalis ng bansa ang isang inirereklamo habang isinasailalim pa lang ito sa preliminary investigation.

Si Trillanes ay bibiyahe patunong Europa sa Disyembre 11 hanggang Enero 11, 2019 at sa Amerika sa Enero 27, 2019 hanggang Pebrero 10, 2019.

Nauna na siyang pinayagan ng korte sa Makati kung saan nakabinbin ang kanyang kasong rebelyon na makabiyahe basta’t maglagak lamang ng P200,000 na travel bond.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?