84

Oct 26, 2017 @ 17:42

Hazing kay Atio, nakakagimbal – Lacson

Kahit ang nakaranas ng initiation rites noong sumali sa fraternity, manghihilakbot sa ginawa ng mga miyembro ng Aegis Juris kay Horatio “Atio” Castillo III.

Sinabi ito ni Senador Panfilo Lacson matapos na ilahad ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II ang mga ikinanta ng frat member na si Marc Anthony Ventura.

“The manner by which the initiation rites were conducted, both preliminary and final could shock even those who have experienced the same ordeal when they joined their own fraternities,” ayon kay Lacson.

Si Lacson ang chairman ng Senate committee on public order na nangunguna sa pagdinig ng Senado ukol sa pagkamatay ni Atio.

Aminado ang senador na sumailalim din siya sa hazing rites sa Philippine Military Academy (PMA).

Sa sinumpaang salaysay na isinumite sa Department of Justice, sinabi ni Ventura na 23 ang lumahok at sumaksi sa initiation rites ni Castillo noong Setyembre 16 ng gabi hanggang Setyembre 17 ng umaga.

Ayon kay Aguirre, ipiniyok ni Ventura na sampu ang nagpalitan sa pagsuntok sa mga braso ni Castillo.

Apat naman ang pumalo rito gamit ang paddle. Nabuwal na umano si Castillo sa ikaapat na hampas at noong naibangon, hinataw pa ito sa ikalimang beses.

“I can only imagine the mixed feelings of relief and agony that the victim’s parents are going through right now—how they hate to hear what they have wanted to know,” sabi ni Lacson.

Kumbinsido si Lacson, dating imbestigador, na kapani-paniwala ang mga pahayag ni Ventura.

“In any criminal investigation and trial, the details of the truth always add up to the credibility of a testimony. Ventura’s narration of events that led to Atio’s hazing to death has provided exactly that,” dagdag nito.

Sinabi naman ni Senador Joel Villanueva, alumnus ng UST, na sa pagpiyok ni Ventura, magiging mabilis ang kanilang pagdinig dahil mayroon nang malayang magsasalaysay nang walang isinasangkalan na right against self-incrimination.

Itinakda ni Lacson ang ikatlo at maaring huling pagdinig ukol sa nangyari kay Atio sa Nobyembre 6. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?