51

Jun 24, 2021 @ 13:52
By

Hawks ginulat ang Bucks sa game 1

Ginulantang ng Atlanta Hawks ang mundo ng basketball matapos ibulsa ang 116-113 panalo kontra sa Milwaukee Bucks sa likod ng 48 points at 11 assists ni Trae Young sa game 1 ng Eastern Conference Finals nitong Huwebes (oras sa Pilipinas).

Lamang pa ang Bucks ng 105-98 sa huling 4:18 ng laban bago humabol ang Hawks at maitakas ang panalo.

Mintis ang salaksak ni Young ngunit naisalba naman ni Clint Capela ang bola at sinalpak ang isang putback upang ibigay sa Hawks ang 112-111 kalamangan sa huling 43 segundo.

Nagpalitan lamang ng freethrows ang dalawang koponan hanggang sa mauwi ang iskor sa 116-113, may 4.6 segundo na lamang sa orasan.

May tsansa pang maitabla ng Bucks ang laban ngunit sablay ang tres ni Khris Middleton sa huling possession ng laro.

Tinulungan ni John Collins ang mainit na laro ni Young sa kanyang 23 points at 15 rebounds, habang 12 points at 19 rebounds naman ang ambag ni Capela.

Nanguna para sa Bucks si Giannis Antetokounmpo sa kanyang 34 points at 12 rebounds habang 33 points at 10 assists naman ang kinayod ni Jrue Holiday.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?