20

Jun 22, 2020 @ 16:49
By

‘Hatid Probinsiya’ dinepensa ng Palasyo

Dinepensahan ng Malacañang ang programa nitong pag-uuwi sa mga stranded sa kani-kanilang probinsiya matapos tumaas ang bilang ng coronavirus case sa mga lalawigan.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, walang “lapses” o kamalian sa relocation kundi ang kakulangan ng mga test kit.

Mahigit 54,000 daw na mga test kit ay ginamit sa mga OFW na ni-repatriate sa bansa.

“Siguro naman walang lapses. Naubos po o talagang sila ang gumagamit ng mga testing kits natin na PCR at hindi naman tayo pumapayag na rapid testing lamang,” sabi ni Roque.

“‘Pag dumating na ito mabibigyan na po natin ng lahat ng uuwi sa kanilang mga probinsya ng PCR tests. Napakarami lang talagang umuuwing OFWs dahil hindi naman natin inaasahan na napakarami ring mawawalan din ng trabaho sa abroad,” dagdag niya.

Noong Mayo nagpahayag ng pagkadismaya si Ormoc City Mayor Richard Gomez sa “Balik Probinsiya” ng gobyerno.

Inaangalan niya ang kawalan ng mga protocol sa implementasyon nito gaya ng hindi sinasabihan ang mga local official tungkol sa parating na mga repatriated worker.

June 5 nang kumpirmahin ang unang kaso ng coronavirus infection sa lungsod, na agad umakyat sa 42 sa loob lang ng dalawang linggo.

“Siguro nagpa-panic lang ‘yung ilang mga LGUs natin kasi dati wala silang COVID case pero wala naman pong problema maski magkaroon ng COVID case eh i-quarantine at isolate at gamitin. Hindi naman po problema,” sabi naman ni Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?