12

Mar 5, 2021 @ 16:05
By

Hate crime sa mga Pinoy sa Amerika, idinulog sa US State Department

Humingi ng saklolo ang embahada ng Pilipinas sa State Department ng Amerika dahil sa pag-atake sa mga Asian-American dahil sa isyu ng COVID-19.

Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez na nagpadala siya ng note verbale sa State Department na agad namang inaksiyonan at inimbestigahan na rin ng US Senate kung saan ipinatawag ang director ng Federal Bureau of Investigation.

“Maganda naman ang sagot ng FBI dahil sila’y gumagawa ng lahat ng puwede nilang gawin na itigil ang hate crimes,” ani Romualdez.

Nag-umpisa aniya ang galit ng mga Amerikano sa mga Asyano noong September 2020 dahil sa COVID-19 at nawalan ng trabaho, nagkasakit at namatayan kaya ibinuhos ang galit sa mga Asian-American.

Sinabi ni Romualdez na mayroong isang insidente sa subway ng New York kung saan nilaslas ang mukha ng isang Pilipino hanggang sa magkabilang tenga kaya agad na humingi sila ng tulong sa US State Department.

“Na-alarm kami, iyong isang Filipino na inislash nila from ear to ear sa subway. Doon medyo naano kami dito sa embassy at immediately we called our consulate in New York at tinawag din namin ang pansin ng State Department,” dagdag ni Romualdez.

Nangangamba aniya ang embahada sa kaligtasan ng mga Pilipino sa New York dahil sa naganap na insidente.

Mayroon namang isang insidente sa California kung saan pinagbabato ng mga kabataang Amerikano ang bahay ng isang pamilya ng Pilipino at mga kapitbahay ng mga ito ang humingi ng tulong sa mga otoridad para masaklolohan ang mga ito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?