584

Nov 7, 2018 @ 15:56
By

Harry Roque sinapawan si Imee Marcos sa Tacloban

Nasira ang poise ni Ilocos Norte Gov. Imee Marcos habang nasa kanyang itinuturing na pangalawang balwarte sa Lungsod ng Tacloban matapos silang magkasabay ni dating Presidential Spokesman Hahrry Roque sa gitna ng entablado.

Sa video na kuha ng Abante Tonite, biglang sumimangot si Marcos matapos siyang sapawan ni Roque habang sila’y ipinapakilala sa harap ng halos limang libong katao sa loob ng Tacloban City Astrodome kung saan pormal na nagsanib pwersa ang partidong Lakas Christian-Muslims Democrats (Lakas-CMD) at Hugpong ng Pagbabago (HNP) ni Davao City Mayor Sara Duterte.

Makikita sa video na nasa gitna pa ng entablado ang gobernadora habang kumakaway sa kanyang mga taga-suporta ng biglang kumaripas papunta sa gitnang harap si Roque matapos siyang ipakilala ng emcee sa madla.

Maliban sa hindi man lang pinatapos ni Roque si Marcos sa kanyang catwalk, natakpan din niya na tila ba nasapawan ang panganay na anak ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ng sila’y magpang-abot sa gitna ng entablado habang binabati ang mga tao sa loob ng Tacloban City Astrodome.

Hindi maiaalis na biglang nagbago ang masiglang ngiti ni Marcos ng bumungad sa harapan niya si Roque. Hindi pa doon natapos ang eksena, at biglang siningitan ng dating opisyal ng Palasyo ang gobernadora kahit pa maluwag ang ibang espasyo sa entablado.

Bagama’t kaalyado ng administrasyong Duterte, kilalang kritiko ng Pamilyang Marcos si Roque na isang kilalang human rights lawyer.

Si Roque at Marcos ay parehong guest candidate ng partido ni Mayor Sara sa pagka-senador sa darating na halalan sa susunod na taon.

Ang Lungsod ng Tacloban ay kilalang bayang sinilangan ng ina ni Marcos na si dating First Lady at ngayo’y Ilocos Norte Rep. Imelda Romualdez Marcos.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?