490
harry-roque
Oct 29, 2017 @ 10:06

Harry Roque may pasabog sa unang asssignment kay Duterte

May patikim na si incoming Presidential Spokesman Harry Roque kaugnay sa  napipinto nitong  pag-upo bilang  opisyal na  tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi kahapon  ng opisyal na mayroong  ibinigay sa  kanya  ang  Pangulo na  assigment, isang  mahalaga  aniyang  impormasyon na  ibibunyag  nito sa November 6.

Gayunman, tumanggi  munang  magbigay  ng  detalye  si  Roque  dahil nangako ito na  ilalabas sa  pagsisimula  nitong  manungkulan sa  Malacañang.

Aminado si Roque  na  hindi pa  siya  makapaniwala sa  ibinigay na  pagkakataon sa  kanya  ni Pangulong  Duterte at  batid  din aniya  nito ang   haharaping  hamon sa pagtanggap sa  bagong  puwesto.

“Mayroon na siyang ibinigay sa aking assignment, isang impormasyon na ibubunyag natin pagdating ng November 6.  Eh sa totoo lang po parang ako ay nananaginip lamang ‘no. Hindi pa nagsi-sink in sa akin talaga iyong realidad ‘no. Pero unti-unti naman eh nare-realize natin na talagang napakalaking paghamon din pong ibinigay na pagkakataon sa atin ng Presidente at mukha naman pong tayo ay tatanggapin natin itong paghamon na ito,” ang  pahayag  ni Roque.

Tumanggi  namang  magkomento  muna  ang  incoming  spokesman sa  pahayag  ng Jesus Is Lord (JIL) na humiwalay  na  sila  ng  suporta  kay Pangulong  Duterte.

Ayon kay Roque, aalamin  niya  muna  ang  dahilan  kay  brother  Eddie  Villanueva  dahil sa  pagkakaalam niya  ay  maganda  naman ang  relalsyon  ni Pangulong  Duterte  at  ng  lider  ng  isa sa  pinakamalaking  religious  group sa  bansa.

“Aalamin ko muna po kung anong sinabi ni Brother Eddie. Ako naman po ‘no sa mula’t mula ang tingin ko hindi naman… hindi naman nagkaroon ng kahit anong hidwaan si Brother Eddie at saka itong si Presidente ano. So hayaan ninyong alamin ko muna dahil mahirap pong magkomento ng hindi ko rin talaga naintindihan kung anong sinabi,” ang  dagdag  na  pahayag  ni Roque. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?