30
Harrell sinalba ang Clippers vs Grizzlies
Nov 30, 2019 @ 14:17
By

Harrell sinalba ang Clippers vs Grizzlies

Pinag-off ni coach Doc Rivers si Kawhi Leonard at nawala rin sa eksena sa last possession si Paul George, rumesponde si Montrezl Harrell para isalba ang seventh straight win ng Los Angeles Clipper.

Sablay ang floater ni Lou Williams, dinamba ni Harrell ang rebound bago idinakdak pabalik ng rim at naligtasan ng Clippers ang Memphis Grizzlies 121-119 Miyerkoles ng gabi.

Nagkaroon ng huling tsansang tumabla o manalo ang Grizzlies sa final 2.3 seconds pero binutata ni Maurice Harkless ang 3-point attempt ni Jaren Jackson Jr. mula sa right corner.

Nag-deliver ng tig-24 points sina Harrell at Williams para pangunahan ang maangas na ayuda ng bench ng Clippers. May 10 rebounds pa si Harrell, tumapos si George ng 22 points.

“It’s just fantastic,” ani Rivers, wala nang mahihiling pa sa off-the-bench performance nina Harrell at Williams. “It’s like you have the ultimate relief pitchers coming in the game.”

Higit isang buwan sa season, nagkakaamuyan na raw kahit ang reserves ng LA.

“We’ve got so many difference lineups we can throw out there that we can succeed in,” wika ni Harrell.

Sa pangalawang gabi ng back-to-back sa road, ‘di pinaglaro ni Rivers si Leonard para maipahinga ang nananakit na kaliwang tuhod.

Nagsumite si Jonas Valanciunas ng season-highs 30 points at 16 rebounds sa Memphis.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?