106

Dec 30, 2018 @ 12:48
By

Harden pumantay sa NBA legend, Pelicans pinanis

Pangatlong sunod na 40-point game ang sinungkit ng reigning NBA MVP na si James Harden, hindi mapigilan sa mga nagdaang laro, ngayon ay pinagunahan ang paggiba ng Houston Rockets sa New Orleans Pelicans, 108-104.

Si Harden ay kumamada ng 41 puntos, sapat para makapantay kay NBA Hall of Famer na si Oscar Robertson na nag-record ng 35 puntos at limang assists sa pitong magkakasunod na laro.

Sa first half, 26 points kaagad ang ginawa ni Harden, nagbuslo ng pitong tres sa 16 na tira, naipasok ang lahat ng 14 free throws sahog pa ang anim na assists.

Naging back-and-forth ang laban, lamang lang ang Rockets ng isa pagpasok ng fourth quarter, 77-76, ngunit nagpakawala agad ng 7-0 run ang Houston sa pangunguna ni Danuel House Jr.

Napalawig ng Houston ang kanilang kalamangan sa 15, 101-86, ngunit hindi nagpahuli ang New Orleans na humarurot ng 13-2 run para mailapit sa 103-99.

Ngunit napanatili ng Rockets ang hawak sa adbantahe ng ibuslo ni PJ Tucker ang dalawang charity shots, sapat para masalba ang panalo, 12.6 segundo ang nalalabi sa game clock.

Nanguna para sa Pels si Julius Randle na may 23 puntos at 11 rebounds, habang nalimitahan naman si Anthony Davis na gumawa lang ng 22, malayo sa 48 points noong nakaraang laban nila sa Dallas Mavericks.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?