24

Apr 21, 2020 @ 15:05
By

Hard lockdown ipatutupad sa Sampaloc District

Ipatutupad sa buong Sampaloc District ang 48 oras na “Hard lockdown”.

Inanunsiyo ni Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na ilalagay sa Hard lockdown ang buong Sampaloc District simula Abril 23 ng alas 8 ng gabi hanggang Abril 25 ng alas 8 ng gabi.

Ayon kay Moreno ito ay para bigyan ng daan ang disease surveillance, rapid risk assessment at testing operations sa harap ng COVID-19 crisis.

Nabatid na nilagdaan ni Moreno, ang executive order matapos na makarating sa kanyang kaalaman na umabot nasa 99 ang kumpirmadong may COVID-19 at 159 naman ang Probable base sa Manila Health Department sa Sampaloc area hanggang nitong Abril 20.

Sinabi ni Moreno na inagahan niya ang anunsiyo para magkaroon ng pagkakataon ang mga residente na makapaghanda sa dalawang araw na lockdown.

Ayon kay Moreno tanging ang mga healthcare workers, police and military personnel, government employees, service workers (pharmacies, drug stores and death care service establishments), barangay officials at media practitioners ma accredited ng Presidential Communications Operations Office at ng Inter-Agency Task Force ang exempted sa lockdown.

Lahat umano ng commercial, industrial, retail, institutional at iba pang aktibidad ang suspendido ,gayundin ang quarantine pass ID.

Ayon kay Moreno lahat ng mahuhuling lalabas ay dadalhin sa isang holding facilities at manabatili sila sa lugar hanggang hindi natatapos ang ipinatutupad na lockdown.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?