33

May 7, 2021 @ 15:20
By

Harassment sa paniningil sa may utang talamak – Gatchalian

Ikinabahala ni Senador Sherwin Gatchalian ang mga naglipanang kaso ng harassment at mapanlinlang na paraan ng paniningil ng ilang kumpanyang nag-aalok ng pautang sa online platform.

Ito ay matapos dumulog sa senador ang grupo ng may dalawang libong mga nagrereklamo laban sa iba’t-ibang online lending companies at lending apps na umano’y nanghihiya, nananakot, nagbabanta, at kung anu-ano pang mapang-abusong pamamaraan ng pagsingil sa kanilang mga inutang.

Karamihan sa mga sa mga nagrereklamong ito ay aminadong natuksong mangutang sa mga online lending apps na inalok ng ilang kumpanya dahil na rin sa matinding pangangailangan sa gitna ng pandemyang dulot ng COVID-19.

“Nakakabahalang marinig sa mga nagrereklamo ang mga naging karanasan nila, hindi lang ang panghihiya dahil may mga iba na nakatanggap pa ng pagbabanta sa kanilang buha=,’ sabi ni Gatchalian.

“Sa tingin ko, talagang mapanlinlang itong mga kumpanyang ito at target nila ang mga taong alam nilang kakagat sa alok nilang pautang. Dapat matigil na ang mga ganitong gawain,” dagdag nito.

Bukod sa mga umiiral na polisiya ng mga ahensya ng gobyerno na nangangasiwa sa industriyang kinabibilangan ng mga ganitong kumpanya, sinabi ni Gatchalian na ang panukalang Fair Debt Collection Practices Act na kanyang inihain noong nakaraang taon ay isang paraan para maprotektahan ang mga konsyumers sa ganitong maruming taktika ng mga debt collectors at mapaglinlang na online lending companies.

“Alam nating lahat na obligasyon ng nangutang ang magbayad ng kanyang utang. Kung pumalya sa pagbabayad ang nangutang, dapat idaan sa tama at ligal na proseso at hindi sa paraan na kailangang gamitan ng dahas, pananakot at pamamahiya sa taong nangutang,” sabi ni Gatchalian vice-c hair Senate Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies.

Sa ilalim ng Fair Debt Collection Practices Act o Senate Bill No. 1366, ipinagbabawal sa mga debt collections ang pangha-harass o pagbabanta sa taong nangutang at sa kanyang pamilya.

Bawal din ang anumang paraan ng panghihiya o paninira ng reputasyon o pagkatao ng nangutang o pagbibigay ng mapanlinlang na impormasyon sa taong sinisingil tulad ng pag-aresto, pagkakakulong o pagkumpiska ng ari-arian. Ipinagbabawal din ang pag-access sa mga personal na impormasyon ng taong nangutang kung wala siyang pahintulot.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?