44
mangingisda
By

Harassment ng Chinese coast guard sa Pinoy fishers, idinulog sa embahada

Sharing is caring!

Isinumbong ng gobyerno sa Chinese Embassy ang naging karanasan ng tatlong mangingisdang Pinoy na kinuhanan ng kanilang mga huling isda sa Scarborough Shoal.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na nakipag-ugnayan na si Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano kay Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jianhua para ireklamo ang Chinese Coast Guard.

Kinukuhanan umano ng Chinese Coast Guard ang mga mangingisda ng kanilang huli kapalit ng noodles, sigarilyo at tubig.

Iniharap ni Roque sa kanyang regular press briefing ang tatlong mangingisdang sina Delfin Egana, Romel Cejuela at Jury Drio mula sa Masinloc, Zambales.

Inilahad ng tatlong mangingisda ang pag-akyat ng mga Chinese coast guard sa kanilang bangka noong Mayo at kinukuha ang mga isdang gusto nila.

“Nakapag-usap na po sina DFA Secretary Cayetano at Ambassador Zhao dahil sa insidenteng ito, at nakausap ko rin si Ambassador Zhao dahil ‘yung special circumstance na nagkataon naman kliyente ko po itong mga mangingisda.

Inassure po ako ng ambassador na hindi ito polisiya ng China, nag-iimbestiga ang Beijing at kung mapapatunayan ang sinabi ng mga mangingisda ay mayroong kaparusahang ipapataw sa Chinese Coast Guard,” ani Roque.

Sinabi ng kalihim na naniniwala siyang hindi ito official policy ng China dahil napagkasunduan nina Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping na walang gagalawin sa mga mangingisda sa Scarborough Shoal.

Nauna rito, lumabas sa isang TV documentary ang pangha-harass umano ng Chinese Coast Guard sa mga mangingisdang Pinoy subalit itinanggi ito ng tatlo.

Ang ayaw lang nila ay ang basta na lamang pag-akyat ng mga miyembro ng Chinese Coast Guard sa kanilang bangka at kunin ang mga nahuli nilang isda. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?