31

By

Harassment, inaasahan na ng mga militanteng kongresista

Sharing is caring!

Hindi isinasantabi ng mga kongresistang kasapi ng Makabayan bloc na puntiryahin din sila ng administrasyong Duterte ngayong target na ang New People’s Army (NPA) at mga kaalyadong grupo.

Kasunod ito ng pagdedeklara sa Communist Party of the Philippines (CPP) at NPA bilang mga terorista at bantang pagsasampa ng kaso sa mga tumutulong sa mga rebeldeng komunista.

Ayon kay Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Isagani Zarate, posibleng dumanas sila ng harassment at paniniktik sa militar para lamang isabit sa kaso.

Sinabi rin ni Anakpawis Partylist Rep. Ariel Casilao, na magiging madali para sa gobyerno na gamitin ang batas laban sa terorismo para gipitin ang mga gaya nilang nasa oposisyon.

Dagdag ng kongresista, kung ang Philippine National Police (PNP) ay may Oplan Double Barrel Reloaded, tiyak na may Oplan Bantay Laya Reloaded din ang militar para targetin ang mga kritiko, oposisyon at mga aktibista.

Pero binigyang-diin ni ACT Teachers Partylist Rep. Antonio Tinio na hindi sila mga terorista.

Giit nito, hindi terorismo ang lumaban para sa karapatang pantao, para sa lupa ng mga Lumad at para sa disenteng suweldo ng mga manggagawa.

Matatandaang noong Arroyo administration ay may anim na makakaliwang kongresista ang kinasuhan ng rebelyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?