136

By

Hanjin nag-file ng bankruptcy, 3,000 workers nanganganib mawalan ng trabaho

Nasa 3,000 manggagawa ng Korean shipmaking firm Hanjin Heavy Industries and Construction (HHIC) Philippines ang nanganganib na mawalan ng pagkakakitaan matapos mag-file ang kumpanya ng corporate rehabilitation sa regional court sa Olongapo City.

Ibinunyag ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) nitong Biyernes na ang Hanjin Philippines ay naghain ng petisyon para sa voluntary rehabilitation dahil sa mabagal na galaw ng kita ng global shipping industry.

“Manghihingi na po sila ng tulong sa korte upang makausap nila ang mga bangko,” ani SBMA Chairperson at Administrator Atty. Wilma Eisma sa report ng CNN PH.

Nilinaw naman ni Eisma na hindi magsasara ang Hanjin dahil nakakapagbayad naman ito ng kanilang mga utang pati na interes.

Sa kasalukuyan umano ay may $2.3 billion na foreign direct investments ang kumpanya pero may pagkakautang ito sa ilang bangko sa Pilipinas ng $412 million.

Bunga ng mabagal na kita, noong 2018 nagtanggal na ng 7,000 empleyado ang kumpanya dahil sa lumalalang kondisyon ng shipbuilding industry at sa ngayon mula sa dating 30,000 manggagawa ay bumaba na ito sa 3,000.

Pero depende umano sa mangyayari sa rehabilitation petition ng kumpanya kaya maaari pa itong magtanggal ng karagdagang 3,000 empleyado at magpanatili na lang ng 300 hanggang 400 workers para maituloy lang ang kanilang operasyon.

Samantala, sinabi ng SBMA na nakikipagtulungan na sila sa Department of Labor and Employment pati na sa Department of Public Works and Highways para matugunan ang posibleng mass layoffs ng kumpanya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?