88

Jan 1, 2020 @ 19:21
By

Hangin sa Kamaynilaan polluted ngayong New Year – DENR

Bahagyang tumaas ang polusyon sa hangin sa National Capital Region (NCR) na nagmula sa mga pyrotechnic materials o paputok dahil sa hindi pag-ulan ngayong pagsalubong ng Bagong Taon.

Dahil dito ay pinayuhan ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Undersecretary Benny Antiporda ang mga residente sa Metro Manila na magsuot muna ng mga ‘face mask’ kapag lalabas ng kanilang mga tahanan.

Ayon kay Antiporda, maituturing umanong ‘unhealthy’ ang hangin sa Kalakhang Maynila dahil sa makakapal na usok dulot ng mga paputok.

Naitala ang may pinakamakapal na usok sa Bonifacio Global City, Taguig dahil sa ginawang pinakamalaking countdown nitong pagsalubong sa 2020.

Tumaas umano ang ‘carbon dioxide’ sa pagitan ng alas-11:00 ng gabi (December 31, 2019) hanggang alas-2:00 ng madaling araw nitong Enero 1, 2020.

“Mas mataas ang carbon dioxide ngayong taon kumpara sa pagsalubong ng New Year noong nakaraang taon dahil sinabayan ito ng malakas na pag-ulan sa Metro Manila, ‘di tulad ngayong taon na naranasan lamang ang mga pag-ambon,” paliwanag ng kalihim ng DENR.

Magugunitang sa mga naunang pinalabas na pahayag ni DENR Secretary Roy Cimatu, sa buong mundo, mahigit anim na milyon ang tinatayang namamatay dahil sa mga hindi nakakahawang sakit tulad ng sakit sa puso, stroke, lung cancer, at chronic respiratory diseases taun-taon at isa sa bawat apat na tao ang namamatay dahil sa polusyon sa hangin.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?