924

Mar 21, 2020 @ 13:13
By

Hanggang P700 ang singil! 9 habal-habal driver timbog

Arestado ang siyam na driver ng habal-habal na umano’y naniningil ng P500 hanggang P700 sa mga stranded na pasahero.

Bukod dito, kolorum sila at lumabag sa patakarang bawal ang anumang uri ng pampublikong transportasyon sa Quezon City.

Dahil dito ay binitbit ng pinagsanib na operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) District Traffic Enforcement Unit (DTEU) at District Special Operation Unit (DSOU) ang mga driver ng habal-habal na sina Cmar Eman, John David, Angelyn Castro, Marcelino Manata, Aries Traquina, Jeffrey Mica, Antonio Lagada, Hernan Reyes at Bryan Tindagan.

Ayon kay P/Lt. Ronquillo Maaño ng DTEU, kanilang isinagawa ang operasyon nang may makarating na impormasyon sa kanilang tanggapan na ang mga motorsiklo ay ginagawang habal-habal kahit wala itong kaukulang papeles.

Nabatid na ang biyahe ng mga ito ay mula Litex patungo ng lalawigan ng Rizal at ang sinisingil sa mga pasahero ay umaabot sa P500 hanggang P700.

Mariin namang tinanggi ng mga nahuli ang nasabing sinisingil nilang pasahe, at kinatwiran na kaya lamang sila napilitang bumiyahe ay upang may makain ang kanilang pamilya pero hindi aniya sila nanamantala ng mga pasahero.

Ang mga naaresto ay dinala sa opisina ng DSOU. Hinahanda na ang kasong isasampa laban sa kanila.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?