162
jv-ejercito-ginhawa-ng-bayan
Nov 10, 2017 @ 11:23

Hamon sa mga kadete ng PMA

MEMORABLE ang nagdaang weekend dahil noong Sabado ay bisita tayo ng Philippine Military Academy kung saan mainit tayong tinanggap.

Sumasaludo tayo kina Lt/Gen. Donato B. San Juan, PMA Superintendent; Brig. Gen. Ferdinand M. Cartujano, Assistant Superintendent; Brig. Gen. Gener P. Del Rosario, Commandant of the Cadets; PMA corps of officers, at mga kadete. Karangalang hindi natin malilimutan ang maging panauhin sa PMA. Salamat din sa “Kalasag” memento na ibinigay sa atin.

Hanga tayo sa mga kadete at tumindig ang ating balahibo nang magmartsa sila sa ating harapan dahil bakas sa kanilang batang-batang mga mukha ang paninindigan at adhikain na maging kawal at tagapagtanggol ng bansa. Millenials ang ating mga kadete!

Sayang at wala nang ROTC sa kolehiyo dahil tinanggal ito 15 o 20 years ago pa. Naituro din sana sa millenials ang disiplina, respeto sa nakatatanda at otoridad, at pagmamahal sa bayan na natutunan natin sa ROTC noon. May panukala tayo sa Senado na ibalik ang ROTC.

Ang hamon natin sa mga kadete ay maging huwaran sila ng kabataan, at dahil wala nang ROTC, sila ang magbigay ng ehemplo sa kapwa nila millenials ng disiplina, respeto, at pagmamahal sa bayan dahil tila nawawala na ang pagpapahalaga nito sa kasalukuyang henerasyon.

Tayo naman bilang halal na opisyal ng pamahalaan, sisikapin nating makahanap ng paraan para sa pangangailangan ng PMA ng bagong facilities tulad ng academic at tactical building, souvenir center, museum, at chapel.

Aabot sa mahigit P500 milyon ang kailangan, pero tatrabahuin natin ‘to isa-isa. May awa ang Diyos, kung hindi man maibigay agad-agad, sisiguruhin natin na bago matapos ang ating unang termino sa Senado ay gagawan natin ng paraan ‘yan.

Ang pagmamahal at paglilingkod sa bayan ay hindi ekslusibo sa mga nag-aral sa PMA at naging sundalo. Ang mga sibilyan ay puwedeng magsilbi sa bayan sa pamamagitan ng simpleng pagtulong sa kapwa.

Hindi kailangang magsuot ng berdeng uniporme at humawak ng baril dahil tulad ng mga sundalo, nagmamahal din tayo sa bayan kung maganda ang ating ugali, may respeto sa kapwa, at tumatayo tayo tuwing inaawit ang Lupang Hinirang.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?