534

Jul 8, 2019 @ 20:30
By

Hamon ni Duterte sa 3rd telco: Duopoly ng PLDT, Globe basagin!

Hinamon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ikatlong telecommunications company sa bansa na Mislatel na basagin ang duopoly na pinaghaharian ngayon ng Globe at PLDT.

Sa kanyang talumpati sa seremonya ng paggawad ng Certificate of Public Convenience and Necessity (CPCN) o “permit to operate” sa Mislatel sa Malacañang, sinabi ng Pangulo na sundin ng Mislatel ang commitment na magbigay ng mas magandang serbisyo sa mga Pilipino.

Umaasa ang Pangulo na ngayong may permiso na ang Mislatel ay aasahan nito na lalong gaganda ang serbisyo ng telekomunikasyon sa bansa hindi lamang sa paggamit ng mobile phones kundi lalo na sa serbisyo sa internet.

“Let me take this opportunity to pose this challenge to Mislatel Communications: Break the prevailing duopoly in the telecommunications industry and fulfill your commitment to provide better telco services to our people,” anang Pangulo.

Hinimok naman ng Presidente ang publiko na samantalahin ang mga oportunidad na hatid ng bagong telco sa pamamagitan ng online jobs, makilahok sa online learnings at training opportunities tungo sa pagbabago ng kanilang buhay.

Umaasa si Pangulong Duterte na sa pagpasok ng bagong telco ay maging hudyat na rin ito ng progreso para sa lahat ng Pilipino.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?