1,578

Oct 9, 2017 @ 13:31

Halamang gamot sa sinaunang kasaysayan

By Xiao Chua

Kadalasan nababanggit sa atin na kaakibat ng Pampublikong Kalusugan ay ibinigay din sa atin ng mga Amerikano sa kanilang pananakop ang tinatawag na ‘Public Health’.

Isang bagong aklat ang inilunsad kamakailan ng UP Press na nagbibigay liwanag sa kasaysayan ng medisina sa bansa, ang Traditional Medicine in the Colonial Philippines:

16th to 19th Century ni Dr. Ma. Mercedes G. Planta ng UP Departamento ng Kasaysayan.

Makikita dito na bagama’t ang modernong medisina ay ipinakilala nga ng mga Amerikano bilang pampublikong kalusugan, mas malalim pa ang ugat ng panggagamot bilang kalusugang pambayan sa kapuluan.

Kung pamagat lamang ang pagbabatayan, aakalaing ang tinatalakay lamang ni Dr. Planta ay ang tradisyunal na medisina sa panahon ng mga Espanyol subalit mas malalim pa pala ang nais nitong idokumento.

Sa akda ni Zeus Salazar ukol sa babaylan o mga ka­talonan, sila ang nangangalaga ng espirituwalidad ng bayan.

Ngunit sa panahon na walang mga doctor, sila rin ang nangangalaga ng kalusugan ng bayan sa panahon bago dumating ang mga Espanyol.

Karamihan sa mga pinunong espirituwal na ito ay mga babae ngunit marami rin ang lalaki at mga maituturing na cross-dresser. Nariyan din ang mga albularyo o sa salitang Espanyol, herbolario.

Ngunit ang mga ninuno natin ay hindi naisulat ang mga paraan ng kanilang panggagamot at dahil dito ay maaaring nabaon na sa limot ang kanilang siyensiya.

Dito mahalaga ang akda ni Dr. Planta sapagkat nililiwanag niya na sinulat pala ng mga ko­lonyalistang Espanyol sa kanilang pagdating ang tradisyunal na panggagamot ng mga herbolario.

Kaya ang kanyang aklat, bagama’t nagbuhat sa mga sinulat ng mga gaya ng paring Heswita na si Padre Francisco Ignacio Alcina na Historia de las Islas e Indios de Bisayas noong 1668, ay tungkol rin sa panggagamot noong sinaunang bayan.

Sa ganang akin, dahil ang mga babaylan na sinaunang mga espirituwal na mga pinuno ay mga manggagamot, ang mga paring papalit sa kanilang papel ay dapat maging magaling din sa panggagamot, kaya pinag-aralan nila ito.

Halimbawa, ang katas ng anonang o soap berry ay ginagamit na panggamot sa singaw at maari ding makakapagpagising sa isang taong walang malay.

Ang mga hibla ng salacsac o patolang bilog ay mainam na pamurga, ang mga dahon naman nito ay mainam sa pagpawi sa pagtitibi o hirap sa pagdumi at mga problema sa sistemang panunaw. Lunas din ito laban sa lason at sa kamandag ng ahas.

Ang kampupot naman ay mainam na inilalagay upang mabilis humilom ang mga sugat. ‘Yan at marami pang iba ang komprehensibong naitala sa aklat.

Ang aklat ni Dr. Planta ukol sa panggagamot gamit ang mga plants ay nagbubukas ng ating isipan na kilalanin ang tradisyon na ito kaakibat ng makabagong medisina upang mas maging abot-kamay at abot kaya sa mga mahihirap ang kalusugan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?