107
calida
Jan 26, 2018 @ 17:11
By

Hakbang ni Calida sa SAF 44 case, tama lang – Palasyo

Kinatigan ng Malacañang ang layon ni Solicitor General Jose Calida na sampahan ng mas mabigat na kaso ang mga dating opisyal ng Aquino administration na nasa likod ng Oplan Exodus na na ikinasawi ng 44 na commandos ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF).

Sa ikatlong anibersaryo ng kamatayan ng SAF 44 ay naghain ng manifestation si Calida sa Supreme Court para atasan ang Office of the Ombudsman na maghain ng kasong reckless imprudence resulting in homicide laban kina dating Pangulong Benigno Aquino III, dating PNP Chief Alan Purisima at dating SAF director Getulio Napeñas.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na tama lamang ang naging hakbang ni Calida dahil dapat may managot sa malagim na sinapit ng SAF 44 sa kamay ng mga rebelde noong Enero 25, 2015.

“SolGen as counsel of the government is correct. There ought to be accountability for those responsible for the SAF 44 debacle,” ani Roque.

Ang tanging nakasampang kaso laban kina dating Pangulong Aquino ay usurpation of authority at graft na ayon sa mga kaanak ng SAF 44 ay mababaw dahil buhay ng kanilang mga anak at asawa ang nawala dahil sa kapalpakan ng mga dating opisyal.

Nababagalan din ang mga pamilya ng SAF 44 sa pag-usad ng mga kaso sa mga nasawing SAF commando.

Maging ang Palasyo ay naniniwalang mailap pa ang hustisya para sa SAF 44 kaya’t nangako si Pangulong Rodrigo Duterte na aalamin ang katotohanan sa madugong police operations laban sa teroristang si alyas Marwan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?