42

Jan 14, 2022 @ 14:21
By

Hacking ng Comelec server pinaiimbestigahan ni Barzaga

Naghain ng resolusyon si Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr. upang paimbestigahan ang napaulat na hacking ng server ng Commission on Elections (Comelec) kamakailan.

Sa kanyang House Resolution 2436, binigyan-diin ni Barzaga ang pangangailangan na matukoy ang lakas at mga butas sa automated election process ng bansa upang maproteksyunana ng integridad ng halalan.

“Whether or not the data hacking incidents at the Comelec are true, the Comelec should be investigated on its technical capacity as a repository of vital information, that affect the security of Filipinos,” sabi sa resolusyon.

Sinabi ni Barzaga, pangulo ng National Unity Party na dapat malaman din sa pagdinig kung anu-ano ang hamon na kinaharap ng Comelec sa pagpapatupad ng automated election process at kung ano ang mga hakbang na ginawa nito.

Ayon sa ulat ng Manila Bulletin nagawang pasukin ng mga hacker ang server ng Comelec at nakapag-download ng gigabytes ng impormasyon kasama na ang username at PINS para sa vote counting machine (VCM).

Sinabi naman ng Comelec na imposible na makuha ang mga impormasyon kaugnay ng VCM dahil hindi pa umano ito makikita sa server at hindi pa natatapos gawin.

Ayon naman kay Comelec spokesman James Jimenez bagamat hindi gaano kataas ang security ng website ng ahensya, ang Automated Voting System (AVS) ay nasa ibang mas ligtas na network umano at walang magiging epekto rito ang sinasabing hacking. (Billy Begas)

‘Papa P’ Piolo Pascual hinimas ang Abante reporter, kinilig!

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?