78

Aug 4, 2021 @ 22:27
By

Hacker ng credit card ni Gatchalian tiklo ng NBI

Naaresto na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang hacker na gumamit ng credit card ni Senador Sherwin Gatchalian at gumastos ng mahigit P1 milyon para sa alak at pagkain noong Enero.

Ayon sa TV Patrol report, natunton ng Cybercrime Division ang bahay ni Julius Anacin, 24, computer science student, sa Silang, Cavite.

Ani Cybercrime Division chief Vic Lorenzo, siniyasat nila ang mga online chatter kaya natunton nila si Anacin, na kabilang sa nang-hack sa credit card ng senador.

Mayroon umanong mga troller at phishing website na ginawa ang mga suspek at unti-unting nakuha ang account information ni Gatchalian.

Sabi ni Anacin, nakuha nila sa phishing site ang mga credit card number, expiration number at security code ng credit card.

Pero wala umano silang kamalay-malay na senador pala ang kanilang nabiktima kaya humingi siya ng tawad kay Gatchalian at nangakong hindi na ito uulitin pa.

Inamin ni Anacin na tatlong taon na niya itong ginagawa bilang libangan kasama ang tatlo niyang kaibigan.

Sa loob ng bahay ni Anacin nakumpiska ang ilang computer at SIM card.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?