22
Abante-TnT-sunog
By

Habang nananalasa ang ‘Ompong’: 6 miyembro ng pamilya nasunog sa ukay-ukay, patay

Sharing is caring!

Nalitson nang buhay ang anim na miyembro ng pamilya, kabilang ang tatlong bata makaraang masunog sa kasagsagan nang pananalasa ng Super Typhoon ‘Ompong’ ang tinitirahang tindahan ng Ukay-Ukay sa Novaliches, Quezon City Sabado ng madaling-araw, Setyembre 15.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Station 4 Police Superintendent Rossel Cejas, ang namatay na mag-asawa na sina Norjannah Andang Jappar, 34-anyos, at Kamal Makaireng Direpusun, 40-anyos, kapwa tubong Bubong Marantao Madanding, Lanao Del Sur; mga anak na sina Dulrahem Jappar Direpusun, 9-anyos; Salma Jappar Direpusun, 7-anyos; Abdul Raman Jappar Direpusun, 5-buwang gulang, at isang hindi pa nakikilalang biktima.

Batay sa pahayag ni Quezon City Bureau of Fire Protection (BFP) Chief Arson Investigator Rosendo Cabillan, nagsimula ang sunog dakong alas-12:24 ng madaling-araw sa isang Barber Shop sa General Lius St., Bry. Novaliches Proper, Novaliches, Quezon City.

Dahil umano sa lakas ng hangin ay mabilis na kumalat ang apoy sa mezzanine sa Ride N Shop commercial building kung saan matatagpuan ang tindahang ukay-ukay ng mga biktima.

Mahimbing umanong natutulog ang nasabing pamilya nang sumiklab ang sunog at dahil sa mabilis ang pagkalat ng apoy ay hindi na nagawa pang makalabas ng mga nabanggit na biktima.

Nabatid na dahil sa malaki ang puwesto ng ukay-ukay ay doon na naninirahan ang pamilyang Jappar.

Naapula ang apoy dakong alas-2:35 ng madaling-araw. Inaalam pa ng mga imbestigador ang sanhi ng sunog.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?