53

By

‘Habal’ driver swak sa dinalang P170K shabu sa Pasig

Arestado ang isang habal-habal driver matapos malambat sa ikinasang buy-bust operation ng Pasig City Police sa Barangay Kapasigan, Martes ng gabi.

Kinilala ni PCol. Moises Villaceran, hepe ng Pasig Police ang suspek na si Joseph Charlie Panganiban, 38-anyos na habal-habal driver at residente ng Barangay New Lower Bicutan sa Taguig.

Batay sa report, isinagawa ng Pasig Police ang buy-bust operation bandang alas-8:00 Martes ng gabi sa Dr. Pilapil Street, Barangay Kapasigan, matapos magpositibo sa isang linggong surveillance kaugnay sa pagtutulak ng droga ng suspek at makipagtransaksyon sa isang poseur buyer.

Nakumpiska mula sa suspek ang 11 piraso ng plastic sachet na naglalaman ng shabu na tumitimbang sa 25 gramo at nagkakahalaga ng P170,000, isang motorcycle Yamaha Mio Sporty black, at P500 buy-bust money.

Nabatid na sa Pasig nagtutulak ng shabu ang suspek na taga-Taguig at posibleng may binabagsakan ng droga na kasalukuyang inaalam pa ng Pasig Police.

Kasalukuyang nakakulong si Panganiban sa Pasig detention cell at nahaharap sa kasong paglabag RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?