319

By

Habagat palalakasin ng bagyong Dodong – PAGASA

Hindi man direktang makakaapekto sa bansa ang Tropical Depression Dodong, hinihila naman nito ang habagat o southwest monsoon, ayon sa state weather agency nitong Martes ng hapon.

“Wala pong direktang epekto sa ating panahon si Dodong pero makikita natin sa satellite imagery ‘yung kanyang paghila sa habagat or southwest monsoon,” sabi ni PAGASA weather specialist Ariel Rojas.

Huling namataan ang bagyong Dodong sa 615 kilometers east-northeast ng Aparri, Cagayan.

May lakas ito ng hangin na 45 kilometro kada oras at pagbugsong 60 kph.

Gumagalaw ito pa-northeast sa bilis na 25 kph.

Hindi rin umano inaasahang magla-landfall ang bagyo at lalabas ng Philippine area of responsibility wala pang 48-oras.

Samantala, magdadala naman ng kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang habagat sa western sections ng Luzon at Visayas sa Martes ng gabi at sa Miyerkoles.

Sa Huwebes, mararamdaman ang monsoon rains sa Metro Manila, Western Visayas at western sections ng Central Luzon, Calabarzon at Mimaropa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?