106

By

Habagat mananalasa sa MM hanggang Miyerkules

Sharing is caring!

Patuloy na makakaranas ng malakas hanggang pabugsu-bugsong pag-ulan ang Metro Manila at karatig na mga lalawigan sanhi ng hanging ‘habagat’ ngayong araw ng lunes at inaasahang aabot hanggang sa araw ng Miyerkules, bagamat tinatahak na ng tropical storm na ‘Karding’ ang China.

Batay sa pinakahuling weather forecast ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), patuloy na makararanas ng kalat-kalat na pag-ulan ang Metro Manila, Rizal, Cavite, Zambales, Bataan, Bulacan, Pampanga, Ilocos Region, at Cordillera Administrative Region.

Bukod sa papalabas na ng PAR ang bagyong Karding, ay wala pa naman umanong namo-monitor ang PAGASA na panibagong sama ng panahon sa labas ng bansa.

Batay naman sa monitoring ng lokal na pamahalaaan ng Quezon City, lumubog sa baha ang Araneta Ave., Rodriguez Ave., EDSA sa tapat ng Camp Aguinaldo at Camp Crame, V. Luna, ilang bahagi ng Commonwealth Ave., Barangay Roxas, ilang bahagi ng Kamuning at Faiview, QC.

Nabatid na umabot umano sa kalahati ng ulan na ibinuhos ng bagyong Ondoy noong 2009 ang pag-ulan kahapon sa Metro Manila bunsod ng pinalakas na habagat, ayon sa monitoring ng scientific research institute na Manila Observatory, matapos na maitala ang pinakamataas na ‘accumulated rainfall’ sa sa loob ng 24 oras sa Holy Spirit, Quezon City na 236 millimeters.

Pinayuhan kahapon ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) ang mga apektado ng baha sa bansa na maging handa at kung maari ay lumikas para sa kanilang kaligtasan.

Kaugnay nito, inanunsiyo naman kahapon ni Quezon City administrator Aldrin Cuña na walang pasok ngayong araw ng lunes (all levels) sa mga pribado at pampublikong paaaralan sa nasabing lungsod.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?