73

Nov 3, 2017 @ 14:27

Gwen Garcia, humirit na makabiyahe sa Japan, China

Humingi ng permiso si House Deputy Speaker Gwendolyn Garcia sa Sandiganbayan Second Division para makabiyahe sa Japan at China ngayong buwan.

Sa kanyang motion to travel, nakasaad na bibiyahe si Garcia patungong Japan sa Nobyembre 23 hanggang 26 para sa konsultasyon ng Kamara kaugnay ng panukalang dissolution of marriage ni Speaker Pantaleon Alvarez.

Awtorisado umano ni Alvarez ang biyahe ni Garcia kung saan makakasama nito ang ilan pang kongresista at House Secretariat.

Sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 2 naman ay nakatakdang bumiyahe ang Deputy Speaker sa Shanghai, China kung saan magiging VIP guest ito sa International Innovation Summit at International Innovation Awards.

Kailangang kumuha ni Garcia ng permiso sa korte para makapag-abroad dahil nahaharap ito sa kasong katiwalian at malversation.

Nag-ugat ang kaso sa umano’y iregularidad sa pagbili ng lupa ng Cebu government sa Tiga-an, Naga, Cebu noong 2008 habang si Garcia pa ang gobernadora.

Ang 24.92 ektaryang lupain ay para umano sa human settlement at seaport project ng lokal na pamahalaan ng Cebu pero lumabas na malaking bahagi nito ay nasa ilalim ng tubig at hindi pwedeng gawing proyekto. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?