63

Jul 16, 2021 @ 10:48
By

Gusto makadalo sa libing ng anak: OFW nagmakaawa na iksian quarantine

Isang overseas Filipino worker mula United Arab Emirates ang sumamo sa gobyerno na kung puwede ay iksian ang kanyang quarantine para masulyapan man lang ang kanyang anak sa huling pagkakataon.

Sa report ng ’24 Oras’, kinuwento ni Rosamil Saranza ang nangyari sa kanyang anak na si Cherry Mae, isang Grade 10 student.

Ga-graduate na sana ang kanyang anak sa junior high school, ngunit hindi na ito nakaabot matapos itong masawi noong July 7 dahil sa namuong dugo sa kanyang ulo at naputukan ng ugat.

Labis ang pangungulila ni Rosamil lalo’t sa video call lang niya nakita ang kanyang anak sa mga huling araw nito sa mundo.

“Hindi mo man lang mahawakan, tanging sa camera mo lang nakikita hanggang sa tuluyan siyang bumigay na wala kang nagawa,” lahad ni Rosamil.

Nitong Martes lang nakauwi sa Pilipinas ang OFW dahil sa hirap mag-book ng flight, ngayon ay may hiling ito sa gobyerno na sana’y bawasan ang araw ng kanyang quarantine para makadalo sa libing ng kanyang namayapang anak.

“Nagmamakaawa po sa inyo sa kahulihulihang pagkakataon, pagbigyan niyo na makasama ko ng saglit ang anak ko,” samo ni Rosamil.

“‘Yun ang kahilingan na makita ang anak ko. Nandito na ako sa bansa natin, konti na lang makasama ko ang anak ko,” aniya pa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?
Tags: ,