48

Sep 10, 2021 @ 15:47
By

‘Gusto hard lockdown’: Roque nagpaliwanag sa viral video vs 2 doktor

Nagpaliwanag si Presidential Spokesman Harry Roque kung bakit nagalit ito sa dalawang doktor sa naganap na meeting ng Inter-Agency Task Force (IATF).

Sinabi ng kalihim na hindi niya napigilan ang maging emosyonal makaraang irekomenda ng dalawang doktor na binanggit niyang sina Dra. Limpin at Dr. Dans na magpatupad ng hard lockdown.

Marami na aniyang nagugutom dahil sa lockdown at tila pa mayroong monopolya ang dalawang doktor sa pag-aalaga sa mga tinatamaan ng COVID-19 nang hindi ikinukunsidera ang kapakanan ng maraming nagugutom na Pilipino dahil walang trabaho at hanapbuhay dahil may lockdown.

“Kinukumpirma ko po na tayo ay naging emesyonal at pasensiya naman po kayo at tao lamang doon sa rekomendasyon ng dalawang doktor na mag-i-impose ng hard ECQ,” ani Roque.

Binigyang-diin ng kalihim na hindi tamad ang mga Pilipino at hindi umaasa sa ayuda dahil handang magtrabaho ang mga ito basta mabigyan lamang ng pagkakataon.

Batid aniya ng gobyerno na marami ang mamamatay at namamatay sa COVID-19 pero halos kalahati na ang nabakunahan sa Metro Manila at pinabibilis ang proseso sa pagbakuna para makapagbukas na ng ekonomiya.

“Huwag po nating isipin na ang mga desisyon ay parang clinical decision lamang. Subukin nating balansehin ang pagbawas ng numero at pagbibigay ng pagkakataon na maghanapbuhay ang taongbayan,” dagdag ni Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?