481

By

Gusot sa PDP-Laban hindi naplantsa ni Duterte

Sharing is caring!

Bigo si Pangulong Rodrigo Duterte na pagkasunduin ang dalawang paksiyon sa loob ng kanilang partido, ang PDP-Laban.

Kagabi ay pinangunahan ng Pangulo ang ipinatawag na caucus sa mga opisyal at miyembro ng PDP-Laban na ginanap sa Diamond Hotel Manila.

Pero sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na magpapatuloy ang dayalogo sa pagitan ng mga grupo nina Senador Koko Pimentel at Atty. Rogelio Garcia para malutas ang problema sa partido.

“Well ang sabi ng Presidente mag-usap-usap sila lahat. I think sa Setyembre magpupulong uli, tapos kung hindi kakayaning magkasundo ay puwede naman pong maghiwa-hiwalay. Pero ngayon po ang sabi niya ay mag-usap muna ang lahat ng mga taong nasa loob ng partido,” ani Roque.

Sinabi naman ni Special Assistant to the President Bong Go na mahalaga sa Pangulo na maayos ang gusot sa loob ng partido kaya’t hinimok ang mga lider ng dalawang paksiyon na unahin ang interes ng bayan.

“Fixing the internal squabble is very important. Hinimok niya ang mga lider ng magkabilang grupo na unahin ang kapakanan ng bayan sa lahat ng kanilang magiging desisyon,” ani Go.

Kasama ng Pangulo sa ginanap na party caucus kagabi ang ilang miyembro ng kanyang gabinete kabilang sina Executive Secretary Salvador Medialdea at Finance Secretary Carlos Dominguez.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?