16

Mar 19, 2021 @ 17:01
By

Gusot sa pag-uwi ng mga OFW mula abroad, plantsado na – Villanueva

Ikinatuwa ni Senador Joel Villanueva ang pagbawi sa patakaran kamakailan na magbabawal sa pag-uwi ng mga Pilipino mula sa ibang bansa, na nagdulot ng aberya sa mga kababayan na nais bumalik sa Pilipinas.

Ayon kay Villanueva, nadismaya siya nang malaman ang mga problema ng mga OFW na nagbalak umuwi sa Pilipinas, lalo na ang mga pasaherong nakatanggap ng notice mula sa kanilang mga airlines na hindi sila makakasakay bunsod ng naunang anunsyo ng gobyerno na nagbabawal sa mga returning overseas Filipino “who are not OFWs.”

Matatandaang binawi ang anunsyo ngayong Biyernes ng umaga matapos kastiguhin ni Villanueva at ng iba pang opisyal sa pagdinig ng Senate labor committee noong Huwebes.

“Nagpapasalamat po tayo sa IATF na pinakinggan ang ating mga punto na binanggit sa pagdinig ng Senate labor committee. Panalo ito ng ating mga kababayan dahil lahat ng nais umuwi mula sa ibayong-dagat ay papayagan na. Wala nang pagbabawal,” sabi ni Villanueva.

“Tulad po ng sinabi natin, nagdudulot ng kalituhan ang naunang polisiya. Kung hindi po umalma at nag-ingay ang ating mga kababayan, hindi lumabas ang amendatory order,” dagdag nito.

Umapela din si Villanueva sa mga nagtatalaga ng polisiya na isaalang-alang ang magiging epekto ng mga ito sa buhay ng mga kababayan natin, lalo na sa mga Pilipinong nasa ibang bansa.

“Ngayong pandemya, nag-iingat ang ating mga kababayan sa mga unnecessary na gastos. Ang hirap kumita ngayon, at ang mga abala na ganito ay masakit sa bulsa. Magastos mag-rebook ng byahe, dagdag gastos pa ang mga adjustment sa travel plans,” anang senador.

Inilarawan pa ng senador ang insidenteng ito bilang isang halimbawa ng “flip-flopping” policies ng gobyerno na nagdudulot ng kalituhan sa mga Pilipino.

“Kahit na masaya tayo na inayos po nila ‘yan, ang punto po natin ay ang pabagu-bagong polisiya ng ating pamahalaan ay patuloy na makakaapekto sa ating lahat, lalo na sa ating mga kababayan at ang ating ekonomiya,” sabi pa ni Villanueva.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?