By

Gusot sa Kuwait, maaayos din – Palasyo

Sharing is caring!

Tiwala ang Malacañang na maaayos din at malulutas ang anumang hindi pagkakaintindihan sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait.

Sa harap ito ng nagaganap na diplomatic stand-off sa pagitan ng dalawang bansa na nag-ugat sa viral video ng pagre-rescue sa distressed overseas Filipino workers sa Kuwait at ang pagpapatalsik kay Philippine Ambassador to Kuwait Renato Villa.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, na walang gusot na hindi naaayos at kailangan lamang ang konting panahon para maplantsa ang mga hindi pagkakaintindihan.

Ayon kay Roque, malalim na ang pagkakaibigan ng Pilipinas at Kuwait dahil tinulungan ng gobyerno nang lusubin sila ng Iraq.

Hindi aniya makakalimutan ng Kuwait na may mga nasawing Filipino sa ginawang pagtulong sa kanila noong nahaharap ang kanilang gobyerno sa krisis.

“Tingin ko ay maaayos naman iyan. Wala pong gusot na hindi puwedeng maaayos. Konting pasensya lang, konting panahon, maaayos po iyan. Dahil tayo naman po ay matindi ang pagkakaibigan sa Kuwait. Iyong mga namatay na Filipino na pinadala natin doon noong nilusob ng Iraq ang Kuwait, hindi po iyan makakalimutan naman ng Kuwait,” ani Roque.

Nakatakdang bumiyahe sa Kuwait ang ilang opisyal ng gobyerno sa susunod na linggo pero sinabi ni Roque na hindi niya pa masiguro kung makakasama ito dahil wala pang nakahandang tiket at wala pang abiso kung kabilang siya sa ipapadalang opisyal dito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?