19

Jan 8, 2021 @ 13:17
By

Gus Abelgas dating naglalako ng diyaryo

Hindi naging madali ang pinagdaanan ng iconic na boses sa likod ng programang ‘Scene of the Crime Operatives’ na si Gus Abelgas.

Ayon sa Kapamilya anchor sa panayam ng ‘Jigo Live’ sa Abante Radyo Tabloidista, noong siya’y bata pa ay wala siyang pinangarap na trabaho dahil nais lang ng kanyang pamilya na makaraos sa pang-araw-araw bilang illegal settler sa San Andres Bukid sa Vito Cruz, Manila.

Para makatulong sa kanyang nanay na labandera at tatay na tsuper, nagtinda ng diyaryo si Gus sa murang edad.

“Siguro naging instrumento din na nagkaroon ako ng past patungo don [sa pagpasok sa media],” lahad ni Abelgas.

Nang tumungtong sa kolehiyo, kursong Bachelor of Arts in Journalism sa Lyceum of the Philippines ang kanyang kinuha, at dito na nagtuloy-tuloy ang kanyang karera bilang tanyag na mamamahayag.

Bukod sa BA Journalism, nakatapos din si Gus sa law school ngunit hindi nakapasa sa Bar exams.

Bago nakapasok sa ABS-CBN, naging writer si Abelgas para sa Department of National Defense para kay dating Senador Juan Ponce Enrile, at nang maging reporter para sa People’s Journal ay bumilib sa kanya ang head ng ABS-CBN News and Current Affairs hanggang sa kunin siya para sa ‘TV Patrol’.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?